Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Alamat ng Baguio. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Alamat ng Baguio. Ipakita ang lahat ng mga post

Huwebes, Pebrero 18, 2021

ELEMENTO AT BAHAGI NG ALAMAT

  

ELEMENTO AT BAHAGI NG ALAMAT

 

       

 

    Panuurin ang Youtube Video na ito: https://youtu.be/LkEYK4O0U78


Ang Alamat

Ang alamat ay isa sa kauna-unahang panitikan ng mga Piipino bago pa dumating ang mga Español. Karaniwang kathang-isip o maaari namang hango sa tunay na pangyayari. Pinagmulan ng isang pook, ng isang halaman o punongkahoy, ng ibon, ng bulaklak at iba pang mga bagay ang karaniwang paksa nito. Maaari ring tungkol sa mga pangyayaring di- kapani-paniwala o kaya’y tungkol sa pagkakabuo ng pangalan ng lugar, bagay at iba pa.

Mababakas sa alamat ang matatandang kaugaliang Pilipino. Layunin din ng alamat na manlibang. May tatlong bahagi ang alamat.



Ang alamat ay karaniwang tumatalakay sa mga katutubong kultura, kaugalian o kapaligiran. 

Ito ay tumatalakay din sa mga katangiang maganda, tulad ng pagiging matapat, matapang, matulungin, at sa mga katangiang hindi maganda tulad ng pagiging mapaghiganti, masakim, o mapanumpa, Nguni’t sa banding huli ang kuwento ay kinapupulutan ng aral para sa ikabubuti ng iba.


Mga Elemento ng Alamat


Ito ay may pitong elemento. Basahin ang mga sumusunod:

  1. Tauhan
    • Ito ang mga nagsiganap sa kwento at kung ano ang papel na ginagampanan ng bawat isa.
  2. Tagpuan
    • Inilalarawan dito ang lugar na pinangyarihan ng mga aksyon at insidente, gayundin ang panahon kung kailan ito nangyari.
  3. Saglit na kasiglahan
    • Ito ay naglalahad ng panandaliang pagtatagpo ng mga tauhang masasangkot sa suliranin.
  4. Tunggalian
    • Ito naman ang bahaging nagsasaad sa pakikitunggali o pakikipagsapalaran ng pangunahing tauhan laban sa mga suliraning kakaharapin na minsan ay sa sarili, sa kapwa, o sa kalikasan.
  5. Kasukdulan
    • Ito ang pinakamadulang bahagi kung saan maaaring makamtan ng pangunahing tauhan ang katuparan o kasawian ng kanyang ipinaglalaban.
  6. Kakalasan
    • Ito ang bahaging nagpapakita ng unti-unting pagbaba ng takbo ng kwento mula sa maigting na pangyayari sa kasukdulan.
  7. Katapusan
    • Ito ang bahaging maglalahad ng magiging resolusyon ng kwento. Maaaring masaya o malungkot, pagkatalo o pagkapanalo

Tatlong bahagi ang alamat

Simula:

Kabilang sa simula ang mga tauhan, tagpuan, at suliranin. Sa mga tauhan nalalaman kung sino-sino ang magsisiganap sa kuwento at kung ano ang papel na gagampanan ng bawat isa. Maaaring bida, kontrabida, o suportang tauhan. Sa tagpuan nakasaad ang lugar na pinangyayarihan ng mga aksyon insidente, gayundin ang panahon kung kailan naganap ang kuwento. At ang bahagi ng suliranin ang nagsasaad ng problemang haharapin ng pangunahing tauhan.

Gitna:

Binubuo ang gitna ng saglit na kasiglahan, tunggalian, at kasukdulan. Ang saglit na kasiglahan ang naglalahad ng panandaliang pagtatagpo ng mga tauhang masasangkot sa suliranin. Ang tunggalian naman ang bahaging nagsasaad sa pakikitunggali o pakikipagsapalaran ng pangunahing tauhan laban sa mga suliraning kakaharapin, na minsan sa sarili , sa kapwa, o sa kalikasan. Samantalang ang kasukdulan ang pinakamadulang bahagi kung saan maaaring makamtan ng pangunahing tauhan ang katuparan o kasawian ng kaniyang ipinaglalaban.

Wakas:

Binubuo ang wakas ng kakalasan at katapusan . Ang kakalasan ang bahaging nagpapakita ng unti-unting pagbaba ng takbo ng kuwento mula sa maigting na pangyayari sa kasukdulan. At ang katapusan ang bahaging maglalahad ng magiging resolusyon ng kuwento. Maaaring masaya o malungkot, pagkatalo o pagkapanalo.

Sa tulong ng bawat bahagi ng alamat ay naipakita ang mga pangyayari na sumasalamin sa kultura, tradisyon, kaugalian at kalagayang panlipunan ng sinaunang Pilipino.


Halimbawa  ng isang ayos ng paggawa ng isang Banghay ng Alamat o kwento




 

ALAMAT: Mina Ng Ginto

 ALAMAT


Sinasabing ang ilang kaalaman natin ngayon ay kinuha ng mga mananaliksik sa saling-dila ng  matatanda. Sa pag-usad ng panahon, maaaring nagbabago ang mga alamat gayunpaman hindi nawawala ang katangian nitong maglahad ng pinagmulan ng tao, bagay, lunan , o pangyayari.



   Panuurin ang Youtube Video na ito   https://youtu.be/8f4eqBRLvsA

Mina ng Ginto

Alamat ng Baguio

                                 

Sa isang nayon sa Baguio na kung tawagin ay Suyuk, naninirahan ang mga Igorot na pinamumunuan ni Kunto. Si Kunto ay bata pa ngunit siya ang pinakama-lakas at pinakamatapang sa kanilang nayon kaya siya ang ginawang puno ng matatandang pantas. 

Ang mga naninirahan sa nayong ito ay namumuhay nang tahimik . Maibigin sila sa kapwa at  may takot sila sa kanilang bathala. Taun-taon ay nagdaraos sila ng caᾗao bilang parangal sa kanilang mga anito. Noong panahong iyon, ang mga Igorot ay naniniwala sa iba’t ibang anito. 

         Kung nagdaraos sila ng caᾗao ay lingguhan ang kanilang handa. Nagpapatay sila ng baboy na iniaalay sa kanilang bathala. Nagsasayawan at nagkakantahan sila.

Isang araw ay nagtungo si Kunto sa gubat upang mamana. Hindi pa siya lubhang nakalalayo nang nakakita siya ng isang uwak. Nakatayo ito sa isang landas na kanyang tinutunton. Karaniwang ang mga ibon sa gubat ay maiilap ngunit ang ibong ito ay kaiba.

          Lumakad si Kunto palapit sa ibon ngunit hindi ito tuminag sa pagkakatayo sa gitna ng landas. Nang may iisang dipa na lamang siya mula sa ibon, bigla siyang napatigil.

Tinitigan siyang mainam ng ibon at saka tumango nang tatlong ulit bago lumipad. Matagal na natigilan si Kunto . Bagamat siya’y malakas at matapang, sinagilahan siya ng takot. Hindi niya mawari kung ano ang ibig sabihin ng kanyang nakita.

           Hindi na niya ipinagpatuloy ang kanyang pamamana. Siya’y bumalik sa nayon at nakipagkita sa matatandang pantas. Anang isang matanda, “ Marahil ang ibong iyon ay ang sugo ng ating bathala. Ipinaaalaala sa atin na dapat tayong magdaos ng caᾗao.

Kung gayon, ngayon din ay magdaraos tayo ng caᾗao,” ang pasiya ni Kunto.

Ipinagbigay-alam sa lahat  ang caᾗao na gagawin. Lahat ng mamamayan ay kumilos upang ipagdiwang ito sa isang altar sa isang bundok-bundukan. Ang mga babae naman  ay naghanda ng masasarap na pagkain.

Nang ang lahat ay nakahanda na, ang mga lalaki ay humuli ng isang baboy. Ang baboy na ito ay siyang iaalay sa kanilang bathala upang mapawi ang galit, kung ito man ay nagagalit sa kanila. 

         Inilagay ang baboy sa altar na ginawa nila sa itaas ng bundok-bundukan. Anong laking himala ang nangyari! Nakita nilang ang baboy ay napalitan ng isang pagkatanda-tandang lalaki! Ang mukha ay kulay- lupa na sa katandaan at halos hindi na siya makaupo sa kahinaan.Ang mga tao ay natigilan. Nanlaki ang mga mata  sa kanilang nakita. Sila’y natakot. 

    Maya-maya’y nagsalita ang matanda at nagwika nang ganito: “Mga anak magsilapit kayo. Huwag kayong matakot. Dahil sa kayo’y mabuti at may loob sa inyong bathala, gagantimpalaan ko ang inyong kabutihan. Lamang ay sundin ninyo ang lahat ng aking ipagbilin.

         “Kumuha kayo ng isang tasang kanin at ilagay ninyo rito sa aking tabi. Pagkatapos sukluban ninyo ako ng isang malaking palayok. Ipagpatuloy ninyo ang inyong caᾗao. Pagkalipas ng tatlong araw, bumalik kayo rito sa pook na ito.

Makikita niyo ang isang punungkahoy, na kahit minsan sa buhay ninyo ay hindi pa ninyo nakikita o makikita magpakailanman. Ang bunga,dahon, at sanga ay maaari ninyong kunin ngunit ang katawan ay huwag ninyong gagalawin. Huwag na huwag ninyong tatagain ang katawan nito.”

Tinupad naman ng mga tao ang ipinagbilin ng matanda.Ipinagpatuloy nila ang kanilang pista. Pagkaraan ng tatlong araw, bumalik sila sa pook na pinag-iwanan sa matanda. Itinaas nila ang palayok at gaya ng sinabi ng matanda, nakita nila ang isang punungkahoy na maliit. Kumikislap ito sa liwanag ng araw-lantay na ginto mula sa ugat hanggang sa kaliit-liitang dahon.

Nagsigawan ang mga tao sa laki ng galak. Si Kunto ang kauna-unahang lumapit sa punungkahoy at pumitas ng isang dahon. Pagkapitas sa dahon ay nagkaroon kaagad ng kapalit ito kayat nag-ibayo  ang tuwa sa mga tao. Bawat isa ay pumitas ng dahon.

Sa loob ng maikling panahon, yumaman ang mga taga-Suyuk.Ang dati nilang matahimik na pamumuhay ay napalitan ng pag-iimbutan at inggitan. Ang punungkahoy naman ay patuloy sa pagtaas  hanggang sa ang mga dulo nito’y hindi na maabot ng tingin ng mga tao.

Isang araw, anang isang mamamayan, “kay taas-taas na at hindi na natin maabot ang bunga o dahon ng punong-ginto. Mabuti pa ay pagputul-putulin na natin ang mga sanga  at dahon nito. Ang puno ay paghahati-hatian natin.”

Kinuha ng mga lalaki ang kanilang mga itak at palakol. Ang iba ay kumuha ng mga sibat. Tinaga nila nang tinaga ang  puno at binungkal ang lupa upang lumuwag ang mga ugat.Nang malapit nang mabuwal  ang punungkahoy  ay kumidlat nang ubod-talim. Kumulog nang ubos-lakas at parang pinagsaklob ang lupa at langit.

Ang punungkahoy ay nabuwal. Nayanig ang lupa at bumuka sa lugar na kinabagsakan ng puno. Isang tinig ang narinig ng mga tao. “ Kayo ay binigyan ng gantimpala sa inyong kabutihan. Ang punong-ginto upang maging mariwasa ang inyong pamumuhay. Sa halip na kayo’y higit na mag-ibigan , kasakiman ang naghari sa inyong mga puso. Hindi ninyo sinunod ang aking ipinagbilin na huwag ninyong sasaktan ang puno. Sa tuwi-tuwina ay inyong nanaisin ang gintong iyan.”

At pagkasabi ng mga katagang ito, sa harap ng mga tao sa Suyuk, ang puno ay nilulon na ng lupang kinabuwalan. Mula nga noon, nagkaroon na ng minang ginto sa Baguio at nakukuha lamang ito sa pamamagitan ng paghukay sa lupa.


          

Masasalamin  ba sa alamat ang kultura at tradisyon ng isang pangkat ng mamamayan sa ating bansa?  Maituturing mo bang yaman ng lahi ang mga alamat sa ating panitikan? Bago mo sagutin ang mga tanong, bigyan mo ng pansin ang kasunod na mga  gawain  upang higit mong maunawaan ang nilalaman ng binasa mong alamat.


PAGLINANG NG TALASALITAAN


               Suriin ang mga salitang nakahilig sa loob ng pangungusap. Bigyan ng kahulugan ayon sa pagkakagamit sa akda. Isulat sa papel ang mga sagot. 


1. Taon-taon ay nagdaraos sila ng caᾗao bilang parangal sa kanilang

     mga   anito.

     Kahulugan -  _______________________________________

 2. Noong panahong iyon, ang mga Igorot ay naniniwala  sa iba’t ibang 

     anito.

     Kahulugan -  ______________________________________

 3. Maibigin sila sa kapwa at  may takot sila sa kanilang  bathala.

     Kahulugan -  ______________________________________   

4. Siya’y bumalik sa nayon at nakipagkita sa matatandang pantas.

     Kahulugan -  _______________________________________ 

5. Marahil, ang ibong iyon ay ang sugo ng ating bathala.

    Kahulugan -  ______________________________________