Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Balagtasan. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Balagtasan. Ipakita ang lahat ng mga post

Lunes, Mayo 24, 2021

Florante at Laura (Buod)

  

Basahin ang Buod ng Florante at Laura (e-Book)




https://bit.ly/3yjITP7

Flipbook/ E-book format ( or click the Cover Page)









Mga Tauhan



Florante       -  tagapagtanggol ng Albanya at isang mabuting anak ni Duke Briseo 

Laura         - anak na babae ni Haring Linseo ng Albanya; iniibig ni Florante 

Aladdin / Aladin - anak ni Sultan Ali-Adab ng Persya, isang moro na nagligtas at tumulong kay Florante 

Flerida       - kasintahan ni Aladin na inagaw ng kanyang amang si Sultan Ali-Adab

Haring Linseo     - hari ng Albanya, ama ni Laura 

Sultan Ali-Adab   - sultan ng Persya, ama ni Aladin 

Prinsesa Floresca     - ina ni Florante, prinsesa ng Krotona 

Duke Briseo     - ama ni Florante; Kapatid ni Haring Linceo 

Adolfo     - kalaban ni Florante, tinawag na mapagbalat-kayo; malaki ang galit kay Florante 

Konde Sileno     - ama ni Adolfo

Menalipo     - pinsan ni Florante na nagligtas sa kanya noong siya ay sanggol pa lamang  mula sa isang buwitre 

Menandro     - matalik na kaibigan ni Florante, pamangkin ni Antenor; nagligtas kay Florante mula kay Adolfo. 

Antenor        - guro ni Florante sa Atenas 

Emir        - moro/muslim na hindi nagtagumpay sa pagpaslang kay Laura

Heneral Osmalik     - heneral ng Persya na lumaban sa Crotona 

Heneral Miramolin     - heneral ng Turkiya 

Heneral Abu Bakr    - Heneral ng Persya, nagbantay kay Flerida.





Buod:












        Nagsimula ang kuwentong patula sa isang madilim na kagubatan. Nakatali si Florante, isang taga-kaharian ng Albanya, sa isang puno ng Higera, habang namimighati sa pagkawala ng kaniyang amang si Duke Briseo. Halos ikabaliw niya ang pagkakaisip na mapasakamay ng kaaway niyang si Konde Adolfo ang kaniyang minamahal na si Laura. Anak si Konde Adolfo ni Konde Sileno.


        Narinig ng isang moro, na naglalakbay noon sa kagubatan, ang mga pagtangis ni Florante. Aladin ang pangalan ng moro, na naantig ng mga pananalita ni Florante. Dalawang mga gutom na leon ang biglang umatake kay Florante subalit naligtas ni Aladin ang binata. Nawalan ng malay tao si Florante. Nagpasya si Aladin na pangalagaan si Florante hanggang sa manumbalik ang lakas nito.


        Nang lubusang gumaling si Florante, nagulat siya noong una nang mapagmasdan ang morong si Aladin. Hindi siya makapaniwalang ang isang kalaban ng mga Kristiyano ang kaniyang naging tagapagligtas sa tiyak na kamatayan. Matapos ang ilang mga pagpapaliwanag, naging lubos ang pasasalamat ni Florante kay Aladin, at dito siya nagsimulang magsalaysay hinggil sa kaniyang buhay.


        Sa edad na 11, ipinadala si Florante ng kaniyang mga magulang - na sina Duke Briseo at Prinsesa Floresca – sa Atenas, Gresya upang mag-aral sa ilalim ng kilalang guro na si Antenor. Sa Atenas niya natagpuan si Adolfo, na nagmula rin sa bayan ni Florante. Si Adolfo ang pinakamatalinong mag- aaral sa paaralan nang mga panahong iyon, subalit makaraan lamang ang anim na taon, nalampasan na ni Florante ang mga kakayahan, kagalingan at katalinuhan ni Adolfo. Nagtamo ng katanyagan at pagkilala si Florante, na lubhang hindi ikinatuwa ni Adolfo.


        Habang gumaganap sa isang dulang pampaaralan, pinagtangkaang patayin ni Adolfo si Florante. Sa kabutihang palad, madaliang nakapamagitan si Menandro, ang kaibigan ni Florante. Dahil sa pagkaunsiyami ng balak, umuwi si Adolfo sa Albanya. Pagkalipas ng isang taon, nakatanggap si Florante ng isang liham mula sa ama na naglalahad ng balitang pumanaw na ang kaniyang inang si Prinsesa Floresca.


        Bagaman namimighati, naghintay ng dalawang buwan bago nakabalik si Florante sa Albanya. Sumama si Menandro kay Florante. Sa pagsapit nila sa Albanya, isang kinatawan ng kaharian ng Crotona ang humiling ng pagtulong mula kay Florante hinggil sa nalalapit na digmaan laban sa mga Persyano. Wala kakayahang tumanggi si Florante sapagkat lolo niya ang hari ng Crotona. Sa kaniyang paglalagi sa Albanya, naimbitahan si Florante sa palasyo ng hari, kung saan nabighani siya sa pagkakakita kay Laura, ang anak na babae ni Haring Linseo, ang hari ng Albanya.


        Sa pagpapaunlak sa hinihinging tulong ng Crotona, nakipagdigma si Florante laban sa heneral ng Persya na si Osmalik. Tumagal ang tunggali ng may limang oras. Nagtagumpay si Florante sa pagpatay kay Heneral Osmalik. Namalagi sa Crotona si Florante ng limang buwan bago nagbalik sa Albanya para makita si Laura. Nang magbalik na nga sa Albanya, nagulat si Florante nang mapagmasdan ang watawat ng Persya na nagwawagayway sa kaharian, ngunit muli namang nagapi ni Florante ang mga kalabang Persyano.


        Nailigtas ni Florante sina Duke Briseo, Adolfo,Haring Linceo at Laura mula sa mga kamay ni Emir. Muntikan nang mapatay ni Emir si Laura. Itinalagang “Tagapagtanggol ng Albanya” si Florante dahil sa kaniyang naipakitang kagitingan at katapangan, isang bagay na lubhang ikinamuhi at ikinaiinggit ni Adolfo.


         Muling ipinagtanggol at ipinagsanggalang ni Florante ang kaharian ng Albanya mula sa puwersa ng mga taga- Turkiya. Pinamunuan ni Heneral Miramolin, isang kilalang mananakop, ang mga taga-Turkiya. Naganap ang labanan sa Etolya, kung saan tumanggap si Florante ng isang liham mula sa kaniyang ama. Pinabalik si Florante sa Albanya, kung kayat naiwan sa pangangalaga niMenandro, ang kaibigan ni Florante, ang hukbong pinamumunuan.


          Nang makauwi sa bayan si Florante, tinugis si Florante ng 30,000 mga kawal na sumusunod sa pag-uutos ni Adolfo. Nabilanggo si Florante ng may 28 araw. Sa piitan na lamang nalaman ni Florante ang kinahinatnan ng kaniyang ama at hari, na kapwa pinapugutan ng ulo ni Adolfo. Ipinadala si Florante sa kagubatan at itinali sa isang puno ng Higera.


         Isinalaysay ni Florante ang kaniyang kaugnayan at pag-ibig kay Laura, nilahad rin niya ang pagkainggit sa kaniya ni Adolfo, at maging ang kagustuhan ng huling angkinin ang trono ng Albanya. Dahil sa mga ito, ibig siyang patayin ni Adolfo. Pagkalipas ng ilang panahon ng paglalakbay sa kagubatan, binanggit ni Aladin – na isa palang Persyano – ang katotohanan na katulad rin ng kayFlorante ang kaniyang kapalaran.


         Pinagbintangan si Aladin ng sariling ama, si Sultan Ali-Adab, ni iniwan ni Aladin ang kaniyang mga alagad na naging sanhi ng pagkagapi mula sa kanilang kaaway. Inibig ni Ali-Adab na papugutan ng ulo si Aladin. Ngunit dahil sa pag-ibig sa kaniya ni Flerida, hiniling ng huli sa hari na huwag nang pugutan ng ulo si Aladin, sa halip ay palayasin na lamang mula sa kaharian. Bilang kapalit, pumayag si Flerida na magpakasal sa sultan.


        Nagambala ang paglalahad ni Aladin nang makarinig sila ng mga tinig. Isang babae ang nagkukuwento hinggil sa kaniyang pagtakas mula sa isang kaharian at sa kaniya sanang pagpapakasal. Hinahanap ng babae ang kaniyang minamahal na kasintahan, isang paghahanap na tumagal ng may anim na taon.


        Sinabi pa nito na habang nasa loob ng kagubatan, nakarinig siya ng mga iyak ng paghingi ng tulong. Nang matagpuan niya ang isang babae na inaalipusta ng isang lalaking ibig gumahasa dito, ginamit ng naglalahad na babae ang kaniyang pana para paslangin ang nagtangkang lalaki. Nagpakilala ang babae bilang si Flerida.


        Si Laura ang babaeng sinagip ni Flerida. Nag-umpisa siyang maglahad ng kaniyang kuwento. Nang malayo sa piling niya ang kaniyang kasintahan, naging kaayaaya at bantog si Konde Adolfo sa mga mamamayan ng Albanya, kahit na pulos kasinungalingan naman ang ginagawa nito. Nagtagumpay si Adolfo na sirain ang hari sa mga mata ng mamamayan.


        Naangkin at naupo sa trono ng Albanya si Adolfo, kung kaya't napilitang maging reyna nito si Laura. Isang hukbo na nasa ilalim ng pamumuno ni Menandro, ang kaibigan mula sa pagkabata ni Florante, ang naging dahilan ng pagkalupig ni Adolfo. Tumakas si Adolfo na tangay si Laura bihag, patungo sa kagubatan.


        Matapos ang paglalahad ni Laura, nagsibalik sina Florante at Aladin sa piling ng kanilang mga mahal sa buhay. Nagbalik si Florante at Laura sa Albanya, kung saan naging hari at reyna sila. Nagbalik naman sina Aladin at Flerida sa Persya, kung saan naging sultan si Aladin sapagkat namatay na ang kaniyang ama. Namuhay ng mapayapa at matiwasay ang dalawang kaharian.





Miyerkules, Pebrero 17, 2021

Balagtasan

       Balagtasan



Balagtasan ay isang uri ng tulang patnigan na may pagtatalo. Lumaganap ito noong panahon na ang Pilipinas ay nasa ilalim ng Amerikano, batay sa mga lumang tradisyon ng masining na pagtatalo gaya ng Karagatan, Batutian at Duplo. Nagmula sa pangalan ni Francisco Baltazar bilang parangal sa pagdiriwang ng kaniyang kaarawan ang tawag sa Balagtasan.


Pick-up lines ang tawag sa pamamaraang ito ng paghahatid ng damdamin. Noong Panahon ng Amerikano, isang paraang ginagawa ng binata upang ipahayag ang kaniyang pag-ibig sa dalagang nililigawan ay sa pamamagitan ng Balagtasan.


Ito ay ginagamit na paraan ng panunuyo o panliligaw ng kabataan sa kasalukuyan o modernong panahon. Idadaan sa simpleng patanong at ihahambing sa isang bagay ang sinusuyo upang maipahatid ang kaniyang nararamdaman.


Matagal nang ipinagmalaki ng mga Pilipino ang kagalingan ni Balagtas. Kabilang sa mga ito si Jose Rizal na paulit-ulit binanggit si Balagtas sa kanyang Noli at nagsalita pa tungkol sa Florante at Laura sa isang panayam sa Alemanya.


Matagal na ring kinikilala ang Florante at Laura bilang akdang maka-Pilipino at kontra-dayuhan. Kaya nang maghanap ng sandata laban sa bagong mananakop ang mga makata noong simula ng siglo 1900, pinili nila ang porma ng tulang ginamit ni Balagtas---ang Awit.


Sumusunod ang pamantayan ng pormang Awit:

1. May apat na linya;

2. Bawat linya ay may 12 pantig;

3. May bahagyang hinto o sensura pagkatapos ng ika-6 na pantig ng bawat linya;

4. Kailangang magkatugma ang apat na linya;

5. Kailangang hindi katugma ng ika-anim na pantig ang ika-labindalawa at

6. Madalas na magkaroon ng mga tayutay at talinghaga.


Isa sa naging bunga ng pagmamahal sa Awit ang tinatawag na Balagtasan. Hindi si Balagtas ang nagsimula nito kundi ang mga umiidolo sa kaniya---kabilang sina Florentino Collantes at Jose Corazon de Jesus, ang tinaguriang “Hari ng Balagtasan.” Sila ang nagsulat ng “Bulaklak ng Lahing Kalinis-linisan” noong 1924 na naging unang balagtasang itinanghal sa bansa, una sa napakaraming debateng pinanood ng libo-libong Pilipino.





Sa pagpapahayag ng opinyon ay hindi maiiwasan ang pagsalungat o pagsang-ayon. Bawat isa ay may kani-kaniyang opinyong dapat nating igalang o irespeto ito man  ay pabor sa atin o hindi. Kailangan maging magalang at malumanay sa pagbibigay ng ating mga opinyon upang maiwasan ang makapanakit ng damdamin.


Ang pagsang-ayon ay nangangahulugan din ng pagtanggap, pagpayag, pakikiisa o pakikibagay sa isang pahayag o ideya. Samantalang ang pagsalungat ng opinyon ay pahayag na nangangahulugan ng pagtanggi, pagtaliwas, patutol, pagkontra sa isang pahayag o ideya.