Lunes, Mayo 24, 2021

Florante at Laura (Buod)

  

Basahin ang Buod ng Florante at Laura (e-Book)




https://bit.ly/3yjITP7

Flipbook/ E-book format ( or click the Cover Page)









Mga Tauhan



Florante       -  tagapagtanggol ng Albanya at isang mabuting anak ni Duke Briseo 

Laura         - anak na babae ni Haring Linseo ng Albanya; iniibig ni Florante 

Aladdin / Aladin - anak ni Sultan Ali-Adab ng Persya, isang moro na nagligtas at tumulong kay Florante 

Flerida       - kasintahan ni Aladin na inagaw ng kanyang amang si Sultan Ali-Adab

Haring Linseo     - hari ng Albanya, ama ni Laura 

Sultan Ali-Adab   - sultan ng Persya, ama ni Aladin 

Prinsesa Floresca     - ina ni Florante, prinsesa ng Krotona 

Duke Briseo     - ama ni Florante; Kapatid ni Haring Linceo 

Adolfo     - kalaban ni Florante, tinawag na mapagbalat-kayo; malaki ang galit kay Florante 

Konde Sileno     - ama ni Adolfo

Menalipo     - pinsan ni Florante na nagligtas sa kanya noong siya ay sanggol pa lamang  mula sa isang buwitre 

Menandro     - matalik na kaibigan ni Florante, pamangkin ni Antenor; nagligtas kay Florante mula kay Adolfo. 

Antenor        - guro ni Florante sa Atenas 

Emir        - moro/muslim na hindi nagtagumpay sa pagpaslang kay Laura

Heneral Osmalik     - heneral ng Persya na lumaban sa Crotona 

Heneral Miramolin     - heneral ng Turkiya 

Heneral Abu Bakr    - Heneral ng Persya, nagbantay kay Flerida.





Buod:












        Nagsimula ang kuwentong patula sa isang madilim na kagubatan. Nakatali si Florante, isang taga-kaharian ng Albanya, sa isang puno ng Higera, habang namimighati sa pagkawala ng kaniyang amang si Duke Briseo. Halos ikabaliw niya ang pagkakaisip na mapasakamay ng kaaway niyang si Konde Adolfo ang kaniyang minamahal na si Laura. Anak si Konde Adolfo ni Konde Sileno.


        Narinig ng isang moro, na naglalakbay noon sa kagubatan, ang mga pagtangis ni Florante. Aladin ang pangalan ng moro, na naantig ng mga pananalita ni Florante. Dalawang mga gutom na leon ang biglang umatake kay Florante subalit naligtas ni Aladin ang binata. Nawalan ng malay tao si Florante. Nagpasya si Aladin na pangalagaan si Florante hanggang sa manumbalik ang lakas nito.


        Nang lubusang gumaling si Florante, nagulat siya noong una nang mapagmasdan ang morong si Aladin. Hindi siya makapaniwalang ang isang kalaban ng mga Kristiyano ang kaniyang naging tagapagligtas sa tiyak na kamatayan. Matapos ang ilang mga pagpapaliwanag, naging lubos ang pasasalamat ni Florante kay Aladin, at dito siya nagsimulang magsalaysay hinggil sa kaniyang buhay.


        Sa edad na 11, ipinadala si Florante ng kaniyang mga magulang - na sina Duke Briseo at Prinsesa Floresca – sa Atenas, Gresya upang mag-aral sa ilalim ng kilalang guro na si Antenor. Sa Atenas niya natagpuan si Adolfo, na nagmula rin sa bayan ni Florante. Si Adolfo ang pinakamatalinong mag- aaral sa paaralan nang mga panahong iyon, subalit makaraan lamang ang anim na taon, nalampasan na ni Florante ang mga kakayahan, kagalingan at katalinuhan ni Adolfo. Nagtamo ng katanyagan at pagkilala si Florante, na lubhang hindi ikinatuwa ni Adolfo.


        Habang gumaganap sa isang dulang pampaaralan, pinagtangkaang patayin ni Adolfo si Florante. Sa kabutihang palad, madaliang nakapamagitan si Menandro, ang kaibigan ni Florante. Dahil sa pagkaunsiyami ng balak, umuwi si Adolfo sa Albanya. Pagkalipas ng isang taon, nakatanggap si Florante ng isang liham mula sa ama na naglalahad ng balitang pumanaw na ang kaniyang inang si Prinsesa Floresca.


        Bagaman namimighati, naghintay ng dalawang buwan bago nakabalik si Florante sa Albanya. Sumama si Menandro kay Florante. Sa pagsapit nila sa Albanya, isang kinatawan ng kaharian ng Crotona ang humiling ng pagtulong mula kay Florante hinggil sa nalalapit na digmaan laban sa mga Persyano. Wala kakayahang tumanggi si Florante sapagkat lolo niya ang hari ng Crotona. Sa kaniyang paglalagi sa Albanya, naimbitahan si Florante sa palasyo ng hari, kung saan nabighani siya sa pagkakakita kay Laura, ang anak na babae ni Haring Linseo, ang hari ng Albanya.


        Sa pagpapaunlak sa hinihinging tulong ng Crotona, nakipagdigma si Florante laban sa heneral ng Persya na si Osmalik. Tumagal ang tunggali ng may limang oras. Nagtagumpay si Florante sa pagpatay kay Heneral Osmalik. Namalagi sa Crotona si Florante ng limang buwan bago nagbalik sa Albanya para makita si Laura. Nang magbalik na nga sa Albanya, nagulat si Florante nang mapagmasdan ang watawat ng Persya na nagwawagayway sa kaharian, ngunit muli namang nagapi ni Florante ang mga kalabang Persyano.


        Nailigtas ni Florante sina Duke Briseo, Adolfo,Haring Linceo at Laura mula sa mga kamay ni Emir. Muntikan nang mapatay ni Emir si Laura. Itinalagang “Tagapagtanggol ng Albanya” si Florante dahil sa kaniyang naipakitang kagitingan at katapangan, isang bagay na lubhang ikinamuhi at ikinaiinggit ni Adolfo.


         Muling ipinagtanggol at ipinagsanggalang ni Florante ang kaharian ng Albanya mula sa puwersa ng mga taga- Turkiya. Pinamunuan ni Heneral Miramolin, isang kilalang mananakop, ang mga taga-Turkiya. Naganap ang labanan sa Etolya, kung saan tumanggap si Florante ng isang liham mula sa kaniyang ama. Pinabalik si Florante sa Albanya, kung kayat naiwan sa pangangalaga niMenandro, ang kaibigan ni Florante, ang hukbong pinamumunuan.


          Nang makauwi sa bayan si Florante, tinugis si Florante ng 30,000 mga kawal na sumusunod sa pag-uutos ni Adolfo. Nabilanggo si Florante ng may 28 araw. Sa piitan na lamang nalaman ni Florante ang kinahinatnan ng kaniyang ama at hari, na kapwa pinapugutan ng ulo ni Adolfo. Ipinadala si Florante sa kagubatan at itinali sa isang puno ng Higera.


         Isinalaysay ni Florante ang kaniyang kaugnayan at pag-ibig kay Laura, nilahad rin niya ang pagkainggit sa kaniya ni Adolfo, at maging ang kagustuhan ng huling angkinin ang trono ng Albanya. Dahil sa mga ito, ibig siyang patayin ni Adolfo. Pagkalipas ng ilang panahon ng paglalakbay sa kagubatan, binanggit ni Aladin – na isa palang Persyano – ang katotohanan na katulad rin ng kayFlorante ang kaniyang kapalaran.


         Pinagbintangan si Aladin ng sariling ama, si Sultan Ali-Adab, ni iniwan ni Aladin ang kaniyang mga alagad na naging sanhi ng pagkagapi mula sa kanilang kaaway. Inibig ni Ali-Adab na papugutan ng ulo si Aladin. Ngunit dahil sa pag-ibig sa kaniya ni Flerida, hiniling ng huli sa hari na huwag nang pugutan ng ulo si Aladin, sa halip ay palayasin na lamang mula sa kaharian. Bilang kapalit, pumayag si Flerida na magpakasal sa sultan.


        Nagambala ang paglalahad ni Aladin nang makarinig sila ng mga tinig. Isang babae ang nagkukuwento hinggil sa kaniyang pagtakas mula sa isang kaharian at sa kaniya sanang pagpapakasal. Hinahanap ng babae ang kaniyang minamahal na kasintahan, isang paghahanap na tumagal ng may anim na taon.


        Sinabi pa nito na habang nasa loob ng kagubatan, nakarinig siya ng mga iyak ng paghingi ng tulong. Nang matagpuan niya ang isang babae na inaalipusta ng isang lalaking ibig gumahasa dito, ginamit ng naglalahad na babae ang kaniyang pana para paslangin ang nagtangkang lalaki. Nagpakilala ang babae bilang si Flerida.


        Si Laura ang babaeng sinagip ni Flerida. Nag-umpisa siyang maglahad ng kaniyang kuwento. Nang malayo sa piling niya ang kaniyang kasintahan, naging kaayaaya at bantog si Konde Adolfo sa mga mamamayan ng Albanya, kahit na pulos kasinungalingan naman ang ginagawa nito. Nagtagumpay si Adolfo na sirain ang hari sa mga mata ng mamamayan.


        Naangkin at naupo sa trono ng Albanya si Adolfo, kung kaya't napilitang maging reyna nito si Laura. Isang hukbo na nasa ilalim ng pamumuno ni Menandro, ang kaibigan mula sa pagkabata ni Florante, ang naging dahilan ng pagkalupig ni Adolfo. Tumakas si Adolfo na tangay si Laura bihag, patungo sa kagubatan.


        Matapos ang paglalahad ni Laura, nagsibalik sina Florante at Aladin sa piling ng kanilang mga mahal sa buhay. Nagbalik si Florante at Laura sa Albanya, kung saan naging hari at reyna sila. Nagbalik naman sina Aladin at Flerida sa Persya, kung saan naging sultan si Aladin sapagkat namatay na ang kaniyang ama. Namuhay ng mapayapa at matiwasay ang dalawang kaharian.





Miyerkules, Mayo 19, 2021

Tayutay

 Tayutay At Mga Uri 



Ang tayutay ay salita o isang pahayag na ginagamit upang bigyan diin ang isang kaisipan o damdamin. Sinasadya ng pagpapayahag na gumagamit ng talinghaga o di-karaniwang salita o paraan ng pagpapahayag upang bigyan diin ang kanyang saloobin.


1.  PAGTUTULAD (SIMILE)

                Ginagamit sa paghahambing ng tao, bagay at pangyayaring ginagamitan ng mga salita.    
  •    HALIMBAWA:

    1.  Ang buhay ay parang gulong minsan nasa ibabaw minsan nama’y nasa ibaba.
    2. Ang kanyang anyo ay kawangis ng isang anghel.
2. PAGWAWANGIS (METAPORA)

            Naghahambing din tulad ng Pagtutulad subalit ang hambingan ay tiyakan o tuwiran at hindi gumagamit ng mga salitang nabanggit sa pagtutulad o simile.

  •     HALIMBAWA:
    1. Siya ay isang anghel sa ganda.
    2. Ang nangyari sa kanyang asawa ay isang tinik na lalo pang nagpahirap sa kanyang kalooban.

3. PAGBIBIGAY-KATAUHAN (PERSONIFICATION)/(PERSONIPIKASYON)

            Ang Pagbibigay-katauhan ay pagsasalin ng mga katangian ng mga tao sa mga karaniwang bagay.

  • HALIMBAWA:

    1. Maging ang langit ay lumuha sa naganap na trahedya.
    2. Nahiya ang mga bulaklak sa pagdaan ni Mariang Maganda.
4. PAGMAMALABIS ( HYPERBOLE)
            Nagpapahayag ng pinalabis o pinakukulang ang tunay na kalagayan ng tao, bagay o mga pangyayari. Ginagamit upang maipakita ang sukdulan ng isang pangyayari.    

  • HALIMBAWA:
    1. Bumaha ng dolyar sa pag- uwi ni Andres mula sa Amerika.
    2. Abot tainga ang ngiti ni Anna ng makitang muli ang kanyang minamahal.
5. PAGTAWAG (APOSTROPHE)
            Pakikipag-usap sa isang karaniwang bagay na tila ito'y isang kaharap gayong wala naman.

  • HALIMBAWA:

    1.  O! Tukso, layuan mo ako.
    2.  Kamatayan! Ikaw ang kahahantungan ng lahat sa gabing ito, walang sino man ang makaliligtas.

6. SENEKDOKE o PAGPAPALIT-SAKLAW

            Ito ay ang pagbabanggit ng bahagi bilang pagtukoy sa kabuuan.

  • Halimbawa:
    1. Apat na mata ang patuloy na tumititig sa kanya.
7. PAGPAPALIT-TAWAG (Metonymy)
          
          Ito ang pagpapalit ng katawagan o pangalan sa bagay na tinutukoy.

  • Halimbawa:

            1. Ang palasyo ay nag-anunsyo na walang pasok bukas. (palasyo - Presidente ng Pilipinas)

8. PAG-UYAM (Irony)

            Isang pagpapahayag na may layuning mangutya ngunit itinatago sa paraang waring nagbibigay-puri.

  • Halimbawa:

    1. Siya ay may magandang mukha na kung saan tanging ina niya lang ang humahanga.

Huwebes, Abril 8, 2021

Wastong Bantas




Mga Bantas

  1. Bukod sa bantas na tuldok, pananong, at padamdam na inilalagay sa hulihan ng pangungusap ay may iba pang bantas na kailanga mong matutuhan dahil sa mahalagang gamit nito.

    Ito ay mahalaga mong matutunan para sa malinaw na pagpapahayag. Ginagamit ang mga ito sa paghihiwa-hiwalay ng mga pangungusap, parirala, at salita para sa nasabing layunin.

    Narito ang ilang mga bantas na malimit ding gamitin sa pagsulat at ang kanilang mga gamit.

Wastong Gamit ng Gitling 

              (ayon sa Ortograpiyangg Pambansa, Komisyon sa Wikang Filipino, Edisyon 2013 )

  1. Sa Inuulit na Salita

      Halimbawa: ano-ano, ilan-ilan, iba-iba

    a. Kung mahigit sa dalawang pantig ang salita, ang unang dalawang pantig lamang ang inuulit.    Halimbawa: suntok-suntuin, suri-suriin

    b. Inuulit ang buong unang dalawang pantig kung may dalawang pantig lamang ang salita. Ngunit hindi inuulit ang panghuling katining ng ikalawang pantig kapag mahigit dalawang pantig ang salita.    Halimbawa: balik-balik, wasak-wasak, bula-bulagsak

    c. Ngunit kung may unlapi isinasama ito sa unang bahaging inuulit.    Halimbawa: pabalik-balik, nagkawasak-wasak, pabula-bulagsak

  2. Sa Isahang Pantig na Tunog

         Halimbawa: tik-tak, ding-dong, plip-plap

  3. Sa Paghihiwalay ng Katinig at Patinig- Paghiwalayin ang pantig na nagtatapos sa katinig at ang sumusunod na pantig na nagsisimula sa patinig.                                                                              

      a. Halimbawa: pa-Mandaluyong ngunit pahilaga, pa- maka- Filipino ngunit makalupa At kapag salitang banyaga at nasa orihinal na baybay ang kasunod.  b. Halimbawa: pa-cute, ngunit pakyut, Maki-computer, ngunit makikompiyuter.    c. Halimbawa: mag-aral, mag-isa, agam-agam

  4.  Sa Pinabigat na Pantig - Ginagamit din ang gitling upang bigyan ng bigat o diin ang kakaibang bigkas sa naunang pantig, gaya sa matandang “ gab-i” na kasingkahulugan lamang din ng makabagong “gabi”.   

           Narito pa ang ilang halimbawa: lig-in ( sinaunang Tagalog ) pagiging alanganin, lang-ap (sinaunang Tagalog ) pag-inom nang mabuti.

     5.   Sa Bagong Tambalan- Ginagamit ang gitling sa mga bagong tambalang salita, gaya sa sumusunod:
Halimbawa: lipat-bahya, bigyang-buhay, bagong salita

       Walang tiyak na tuntunin kung kalian inaalisan ng gitling ang tambalang salita. May mga salitang gaya ng “kathang-buhay” para sa nobela noong panahon ng Amerikano ang isinusulat nang kathambuhay ngayon. May matandang palipad-hangin, basang sisiw, at bunong braso na hindi pa rin inaalisan ng gitling. May bagong imbento naman, gaya ng balikbayan, na wala nang gitling nang unang ilathala. Mahirap nang masabi kung kalian inaalisan ng gitling at pinagdikit ang pilikmata, anakpawis, balinsuso. 


      6. Tambalan ang “Punongkahoy” – Dapat malinaw na may salitang gay ng punongkahoy  
at buntonghininga na likha mula sa dalawang salita; puno + ng at kahoy; at bunton + ng at hininga. May bumabaybay sa mga ito na “punungkahoy” at “buntunghininga” dahil sa arbitraryong pagsunod sa o na nagiging u sa loob ng pinagtambal na mga salita. Ngunit ang ganoong pagpapalit ay hindi na kailangan. ( nasa tuntuning 7.5 ng Ortograpiyang Pambansa). Nagkadikit man, wala naming bagong kahulugang lumitaw sa pagdidikit. Bukod pa, madali ring makilala ng mambabasa ang dalawang orihinal na salitang pinagsama sa punongkahoy at sa buntonghininga.


         7. Sa Pagsulat ng Oras- Ginagamit ang gitling upang ihiwalay ang numero s oras at petsang may 

ika-gayungin sa pagbilang ng oras, numero man o binabaybay na ikinakabit sa alas-gaya sa sumusunod:

                Halimbawa:  ika-8 ng umaga ngunit ikawalo ng umaga

                                      Alas 12 ng tanghali, alas-dose ng tanghali 

       *** Tandaan: Laging binabaybay ang oras na ala-una

         8. Sa Kasunod ng “De”- Ginagamitan ng gitling ang salitang may unlapng de- mula sa Espanyol  na nangangahulugang “sa pamamagitan ng” o “ ginagawa o ginagamit sa paraang ... “

                Halimbawa: de-kolor, de-mano, de-bola, de-lata, de-bote 

        9. Sa Kasunod ng “Di”- Ginagamitan ng gitling ang salitang pinangungunahan ng di (pinaikling hindi ) at nagkakaroon ng kahulugang idyomatiko, tila kasabihan, malimit na kasalungat ng orihinal nito, at malimit na may mapagbiro o mapang-uyam na himig.

                Halimbawa: di-mahapayang-gatang, di-mahipo di-maitulak-kabigin, di-maliparang-uwak 

       10Sa Apelyido- Ginagamitan ng gitling ang mga apelyido ng babaeng nag- asawa upang ipakita ang orihinal na apelyido noong dalaga pa.

                Halimbawa: Genoveva Edroza-Matute, Gilda Cordero-Fernando

Kapag ginagamit ang anyong ito sa lalaki, gaya sa kaso ni Graciano Lopez- Jaena, ang apelyido pagkatapos ng gitling ang apelyido sa ina. Kung iwawasto alinsunod sa praktikang Espanyol, ang dapat sanang anyo ng pangalan ng dakilang Propagandista ay Graciano Lopez y Jaena. 

           11.  Sa Pagsaklaw ng Panahon - Ginagamitan ng gitling ang panahong sakop o saklaw ng dalawang petsa.

                Halimbawa: 1882-1903 ( Panahon ng Patinding Nasyonalismo )

                                    23 Hulyo 1864 – 13 Mayo 1903 ( Apolinario Mabini ) 

Martes, Marso 23, 2021

Elemento ng Pelikula

                   

https://www.youtube.com/watch?v=9B16-pIIO1s


        Higit pa nito, dapat mong malaman na ang isang epektibong dokumentaryong pampelikula ay nagtataglay ng sumusunod na elemento:

Mga Elemento ng Pelikula

A. Sequence Iskrip 

     Pagkasunud-sunod ng mga pangyayari sa isang kuwento sa pelikula. Ipinamalas nito ang tunay na layunin ng kuwento

B. Sinematograpiya

     Pagkuha sa wastong anggulo upang maipakita sa manunuod ang tunay na pangyayari sa pamamagitan ng wastong timpla ng ilaw at lente ng kamera

C. Tunog at Musika

     Pagpapalutang ng bawat tagpo at pagpapasidhi ng ugnayan ng tunog at linya ng mga diyalogo. Pinupukaw ang interes at damdamin ng manunuod


Iba pang mga Elemento


  • Pananaliksik o Riserts - Isang mahalagang sangkap sa pagbuo at paglikha ng

dokumentaryo dahil sa pamamagitan nito ay naihaharap nang mahusay at
makatotohanan ang mga detalye ng palabas.

  • Disenyong Pamproduksyon Pagpapanatili sa kaangkupan ng lugar, eksena,

pananamit at sitwasyon para sa masining na paglalahad ng biswal na pagkukuwento.

  • Pagdidirihe - Mga pamaraan at diskarte ng direktor kung paano patatakbuhin ang

kuwento sa telebisyon o pelikula.

  • Pag-eedit Ito ay pagpuputol, pagdudugtong-dugtong muli ng mga negatibo

mula sa mga eksenang nakunan na. Dito ay muling sinusuri ang mga tagpo
upang tayain kung alin ang hindi  na nararapat isama ngunit di makaaapekto
sa kabuuan ng istorya ng pelikula dahil may laang oras/panahon ang isang pelikula.