Linggo, Pebrero 28, 2021

Bahagi Ng Pahayagan (Parts of a Newspaper)

 

Mga Bahagi Ng Pahayagan 


        Anu-ano ang mga bahagi ng pahayagan? Matutunghayan natin dito ang iba't ibang bahagi ng isang pahayagan ang 

1. Pangmukhang Pahina
2.  Balitang Pandaigdig
3.  Balitang Panlalawigan 
4. Pangulong Tudling / Editoryal 
5. Balitang Komersyo 
6. Anunsyong Klasipikado
7. Obitwaryo 
8. Libangan 
9. Isports













Mga Popular Na Babasahin (Pahayagan, Komiks, Magasin at Kontemporaryong Dagli)

 



Ang bahaging ito ay makatutulong sa iyo upang maunawaan mo ang mahahalagang konsepto sa mga popular na babasahin.

           Bakit nagkaroon ng transpormasyon mula sa tradisyunal na panitikang Pilipino tungo sa panitikang popular? At bakit kailangang basahin ang mga babasahing popular? Maligayang araw ng pag-unawa!

Napakaraming popular na babasahin sa kasalukuyan ang kinagigiliwang basahin. Nariyan ang mga tabloid, komiks, magasin, at mga kontemporaryong dagling katha. Magsimula tayo sa tabloid.






























Miyerkules, Pebrero 24, 2021

ANG BULAKLAK NG LAHING KALINIS-LINISAN ni Jose Corazon de Jesus

 ANG BULAKLAK NG LAHING KALINIS-LINISAN

       Si Huseng Batute ang gumanap bilang Paruparo at si Francisco Collantes ang kalaban niyang Bubuyog. Naganap ang laban na iyon noong ika-anim ng Abril taong 1924 sa Instituto de Mujeres sa Tondo, Maynila. Mula sa pakikipag Balagtasan, nagkamit siya ng tatlong kopang pilak at apat na gintong medalya. Sa dula naman ay isang bustong tanso. Mula naman sa iba’t ibang mga timpalak-panitik ay nagkaroon siya ng dalawang relos at dalawang pluma de oro, dagdag na rin ang salaping gantimpala ng mga ito. Unang gumanap bilang Lakandiwa si Lope K. Santos, isang tanyag na dalubwika. Ginawaran din siya ng Katibayang Pandangal sa Araw ni Plaridel noong 1931. Siya ay pinarangalan na Hari ng Balagtasan noong 1925.





















Sabado, Pebrero 20, 2021

Ang Katamaran ng Pilipno ni: Dr. Jose Rizal


Ang Katamaran Ng Mga Pilipino 
ni: Dr. Jose Rizal




(Ang matutunghayan ay isang lagom sa Tagalog ng sanaysay na “La Indolencia de los Filipinos,” na nalathala sa La Solidaridad mula noong Hulyo 15 hanggang Setyembre 15, 1890. Ang sanaysay na ito’y isinulat ni Rizal sa ikalawang pagtungo niya sa Europa. Isinulat niya ito bilang tugon sa paulit-ulit na upasala sa mga Pilipino na sila’y mga tamad. Ang upasalang ito’y hindi tinutulan ni Jose Rizal sa kaniyang sanaysay. Manapa’y inamin nga niya ang pag-aangkin ng katamaran ng kaniyang mga kababayan. At sa pag-amin niyang iyan ay nagbigay siya ng mga matuwid kung bakit ang mga Pilipino ay masasabi ngang tamad. Narito ang kaniyang mga matuwid.

Ang pangunahing sanhi ay ang mainit na singaw ng panahon. Kahit na ang mga banyagang nandarayuhan sa Pilipinas buhat sa mga bayang malamig ang klima ay nagiging tamad pagdating dito at ayaw humawak ng mabibigat na gawain. Sa bayang mainit ang panahon, kahit hindi kumilos ang isang tao, siya’y pinagpapawisan at hindi mapalagay. Wika pa ni Rizal: Ang mga Europeong naninirahan sa Pilipinas ay nangangailangan pa ng mga tagapaypay at tagahugot ng sapatos, at hindi nagsisipaglakad kundi laging lulan ng kanilang karwahe, gayong masasarap ang kanilang kinakain at ginhawa ang kanilang kabuhayan. Sila’y malaya, ang bunga ng kanilang mga pagsisikap ay para sa kanilang sarili, may pag-asa sa kinabukasan, at iginagalang ng madla. Ang abang katutubo, ang tamad na katutubo ay kulang sa pagkain, walang inaasahan sa araw ng bukas, ang bunga ng kanilang pagod ay sa iba napupunta, at kinukuha sila sa paggawang sapilitan.

Sinasabing ang mga Europeo ay nahihirapan sa mga bayang mainit ang singaw ng panahon palibhasa’y hindi sila hirati sa gayong klima, kaya’t karampatan lamang na dulutan sila ng balanang makapagpapaginhawa sa kanilang kalagayan. Datapuwa’t ang wika nga ni Rizal, ang isang tao’y maaaring mabuhay kahit saan kung sisikapin lamang niyang ibagay ang kanyang sarili sa hinihingi ng pangangailangan.

Ang sikap at pagkukusa ay nawala sa mga Pilipino dahil din sa kagagawan ng mga Kastila. Ang mga Pilipino, nang bago dumating ang mga Kastila ay ginhawa sa kanilang kabuhayan, nakikipagkalakalan sila sa Tsina at iba pang mga bansa, at hinaharap nila ang pagsasaka, pagmamanukan, paghabi ng damit at iba pa. Kaya’t mapagkikilalang nang wala pa rito ang mga Kastila, ang mga Pilipino bagaman ang mga pangangailangan nila’y hindi naman marami, ay hindi mga mapagpabayang gaya ngayon.

Ang lahat ng industriya at pati na ang pagsasaka ay napabayaan sapagkat ang mga Pilipino’y hindi makapagtanggol laban sa pananalakay ng mga mandarambong buhat sa Mindanaw at Sulu. Paano’y ayaw pahintulutang makapag-ingat ng mga baril at iba pang sandata ang mga Pilipinong naiiwan sa bayan habang ang iba’y wala at kasama sa mga pandarayuhang walang kabuluhan. Nang panahon ng Kastila’y maraming digma at kaguluhan sa loob ng bayan at maraming ipinapapatay. Isinalaysay ni Rizal ang nangyari sa isang pulong malapit sa Sebu, na halos nawalan ng tao sapagkat madaling nangabihag ng mga piratang buhat sa Sulu palibhasa’y walang sukat maipananggol sa sarili.

Ang pagsasaka’y napabayaan dahil pa rin sa sapilitang paggawa na ipinatutupad ng pamahalaan. Dahil sa maraming pandarayuhang ginagawa ng mga Kastila, kailangan ang walang tigil na paggawa ng mga barko, kaya’t maraming Pilipino ang pinapagpuputol nila ng mga kahoy sa gubat upang magamit. Wala tuloy katiyakan ang kabuhayan ng mga tao kaya’t naging mga mapagpabaya. Tungkol dito’y sinipi ni Rizal si Morga na nagsabi (sa kanyang Sucesos) na halos nakalimutan na ng mga katutubo ang pagsasaka, pagmamanukan, ang paghabi, na dati nilang ginagawa noong sila’y mga pagano pa hanggang sa mga ilang taon pa pagkatapos ng pagsakop. Iyan ang naging bunga ng tatlumpu’t dalawang taon ng sapilitang paggawa na ipinataw sa mga Pilipino. Ang pamahalaa’y walang dulot na pampasigla upang ang mga tao ay mahikayat na gumawa. Pinatamlay ng mga Kastila ang pakikipagkalakalan sa mga bansang malaya, gaya ng Siam, Cambodia, at Hapon, kaya’t humina ang pagluluwas ng mga produktong Pilipino at ang industriya ay hindi umunlad. Ang Pilipino’y hindi maaaring gumawa sa kanilang bukid kung walang pahintulot ng pamahalaan.

Bukod sa mga iyan, ang Pilipino’y hindi tumatanggap ng karampatang halaga sa kanilang mga produkto. Sinabi ni Rizal na alinsunod sa istorya, matapos alipinin ng mga encomendero ang mga Pilipino, sila’y pinagagawa para sa sarili nilang kapakinabangan, at ang iba nama’y pinipilit na sa kanila ipagbili ang inaani o produkto sa maliit na halaga at kung minsa’y wala pang bayad o kaya’y dinadaya sa pamamagitan ng mga maling timbangan at takalan.

Alinsunod pa rin kay Rizal, ang lahat ng negosyo’y sinasarili ng gobernador, at sa halip pukawin ang mga Pilipino sa kanilang pagpapabaya, ang iniisip lamang niya’y ang kanyang kapakanan kaya’t sinusugpo ang ano mang makaaagaw niya sa mga pakinabang sa pangangalakal.

Mga kung anu-anong kuskos-balungos sa pakikitungo sa pamahalaan, mga “kakuwanan” ng pulitika, mga kinakailangang panunuyo at “pakikisama,” mga pagreregalo, at ang ganap na pagwawalang-bahala sa kanilang kalagayan,- ang mga iyan ay naging pamatay-sigla sa paggawang kapaki-pakinabang.

Nariyan pa ang halimbawang ipinamalas ng mga Kastila: pag-iwas sa pagpaparumi ng kamay sa paggawa, pagkuha ng maraming utusan sa bahay, na para bang alangan sa kanilang kalagayan ang magpatulo ng pawis, at ang pagkilos na animo’y kung sinong maginoo at panginoon na ipinaging palasak tuloy ng kasabihang “para kang Kastila,”- ang lahat ng iyan ay nagpunla sa kalooban ng mga Pilipino ng binhi ng katamaran at pagtanggi o pagkatakot sa mabibigat na gawain.

At ang wika pa ng mga Pilipino noon: “Bakit gagawa pa? Ang sabi ng kura ay hindi raw makapapasok sa kaharian ng langit ang taong mayaman.”

Ang sugal ay binibigyan ng luwag, at ito’y isa pa ring nagpapalala ng katamaran.

Ang Pilipino’y hindi binibigyan ng ano mang tulong na salapi o pautang upang maging puhunan. Kung may salapi man ang isang Pilipinong magsasaka, ang natitira, matapos bawasin ang buwis at iba pang impuwesto ay ipinambabayad naman niya sa kalmen, kandila, nobena, at iba pa.

Kung ang mga pananim ay pinipinsala ng balang o ng bagyo, ang pamahalaan ay hindi nagbibigay ng ano mang tulong sa mga magsasaka, kaya ang mga ito ay inaalihan ng katamaran.

Walang pampasiglang ibinibigay sa pagpapakadalubhasa. May isang Pilipinong nag-aral ng kimika sa Europa, ngunit hindi man lamang siya pinag-ukulan ng pansin. Ang katamara’y pinalulubha pang lalo ng di mabuting sistema ng edukasyon. Ganito ang wika ni Rizal:

“Iminulat palibhasa sa halimbawa ng mapagbulay-bulay at tamad na pamumuhay ng mga monghe, ang mga katutubo nama’y walang ginawa kundi iukol ang kanilang buhay sa pagkakaloob ng kanilang salapi sa simbahan dahil sa inaasahang mga himala at iba pang kataka-takang bagay. Ang kanilang kalooban ay nagayuma; buhat sa pagkabata ay wala silang natutuhan kundi ang pagkilos na parang mga makina na hindi nalalaman ang buong kabagayan. Kataka-taka bang ang ganitong maling pagmumulat sa isip at kalooban ng isang bata ay magbunga ng kahambal-hambal na mga pagkakasalungatan? Iyang walang puknat na pagtutunggali ng isip at ng tungkulin… ay humantong sa pananamlay ng kanyang mga pagsisikap, at sa tulong ng init panahon, ang kaniyang walang katapusang pag-aatubili, ang kaniyang mga pag-aalinlangan ay siyang naging ugat ng kaniyang katamaran.”

Ang sistema ng edukasyon, na isang kawil ng mga pagmamalupit, ay nagpatamlay sa halip na magpasigla sa Pilipino. Siya’y nagkaroon ng mababang pagkakilala sa sarili at pagwawalang-bahala sa paggawa.

Ang isa pang nagpalala sa katamaran ng mga Pilipino ay ang kawalan nila ng damdamin bilang isang bansa palibhasa’y pinagkaitan sila ng karapatang makapagtatag ng mga samahan na magbibigay sa kanila ng pagkakataong magkaunawaan at magkaisang damdamin.

Palibhasa nga’y walang bansang kinaaaniban, ang mga Pilipino’y hindi nagkaroon ng pagkabahala sa ano mang kahirapang dinaranas ng mga tao. Patay ang apoy ng kanilang pagsisikap, at walang sukat makaganyak sa kanila na mag-ukol ng panahon at sigla alang-alang sa kaunlaran at kasaganaan ng kanilang Bayan.

Ang sabi ni Rizal: “Ang edukasyon ay siyang lupa, at ang kalayaan ay siyang araw, ng sangkatauhan. Kung walang edukasyon at walang kalayaan, walang pagbabagong maisasagawa, walang hakbang na makapagdudulot ng bungang ninanais.”










Sanaysay at Ang Mga Uri Nito

 

Sanaysay

Sinasabing ang sanaysay bilang akdang pampanitikan ay huling nakakita ng liwanag sa larangan ng panitikan. Ang sanaysay ay naglalahad ng pananaw at opinyon ng sumulat tungkol sa tiyak na paksa.

Uri ng Sanaysay

Sa pangkalahatan, dalawa ang uri ng sanaysay- 

1) ang pormal o impersonal na sanaysay 

Ang sanaysay na palana na tinatawag din na impersonal ay naghahatid ng mahahalagang kaisipan o kaalaman sa ng makaagham at lohikal na pagsasaayos ng mga materyales tungo sa ikalilinaw ng pinakapiling paksang tinatalakay. Tinuturing din maanyo sapagkat pinag-aaralan ng maingat ang piniling pananalita kaya mabigat basahin. Pampanitikan din ito dahil makahulugan, matalinhaga, at matayutay ang mga pangugusap. Mapitagan ang tono dahil bukod sa ikatlong panauhan ang pananaw ay obhektibo o di kumikiling sa damdamin ng may-akda. Ang tono nito ay seryoso, pang-intelektuwal, at walang halong pagbibiro.

Isang uri ng pormal na sanaysay ay ang editoryal ng isang pahayagan. Isa itong sanaysay na may opinyon tungkol sa mga maiinit na mga balita. Bagama't may opinyon, ito ay hindi ginagamitan ng unang panauhan sa paglalahad. 

Halaw sa https://tl.wikipedia.org/wiki/Sanaysay 


 (2) ang di-pormal o personal na sanaysay.  

Ang sanaysay na di-palana na tinatawag din na personal o palagayan ay mapang-aliw, nagbibigay-lugod sa pamamagitan ng pagtatalakay sa mga paksang karaniwan, pang araw-araw at personal. Idinidiin dito ang mga bagay-bagay, mga karanasan, at mga isyung bukod sa nababakas ang personalidad ng may-akda ay maaring makiramay o maging sangkot ang mambabasa sa kanyang pananalita at parang nakikipag-usap lamang ang may-akda sa isang kaibigan, kaya magaan at madaling maintindihan. Personal din ang tawag sa uring ito dahil palakaibigan ang tono nito dahil ang pangunahing gamit ay unang panauhan. Subhektibo ito sapagkat pumapanig sa damdamin at paniniwala ng may-akda ang pananaw.

Halaw sa https://tl.wikipedia.org/wiki/Sanaysay 

 

Mga Tiyak na Uri ng Sanaysay

May 12 natatanging uri ng sanaysay: 

(1) pasalaysay 

(2) naglalarawan, 

(3) mapagdili-dili, 

(4) kritikal o mapanuri 

(5) didaktiko o nangangaral, 

(6) nagpapaalala, 

(7) editoryal, 

(8) maka- siyentipiko o makaagham, 

(9) sosyo-politikal, 

(10) sanaysay na pangkalikasan, 

at (11) sanaysay na bumabalangkas sa isang tauhan.

Nagkaroon ka na ng mga kaalaman tungkol sa sanaysay bilang isa sa mga akdang pampanitikan. Handa ka na upang pag-aralan ang mga elemento na nagpapabuti sa kabuuan ng pagsulat ng sanaysay - ang pagtukoy sa pangunahin at mga pantulong na kaisipan.

Bilang mambabasa, malaki ang maitutulong sa iyo ng mga kasanayang matatamo sa pagtukoy ng pangunahin at mga pantulong na kaisipan sapagkat sa ganitong paraan matitiyak kong mauunawaan mo ang layunin ng sumulat. Maaaring mapatunayan mo rin na ang pagbabasa ay isang gawaing interaktibo.


Sining: Karagatan at Duplo

 



Narito ang  halimbawa ng duplo na sadyang pinaikli at iniangkop sa mag-aaral na tulad mo.



Ang Ibon ng Hari

      

Hari: Simulan na ang laro. Bumilang kayo.


Mga Bilyaka: Una, Ikalawa, Ikatlo.


Mga Bilyako: Una, Ikalawa, Ikatlo.


Hari: Tribulasyon!


Lahat: Tribulasyon!


Hari: Estamos en la Buena composicion.(Titindig)

Ang komposisyon ng tanan

ay paglalarong mahusay!

Ang magulo ay mahalay

Sa mata ng kapitbahay.

Mga binibini at mga ginoo,

Matatanda’t batang ngayo’y naririto,

Malugod na bati ang tanging handog ko

sa pagsisimula nitong larong duplo.

Ang hardin ko’y kubkob ng rehas na bakal,

Asero ang pinto’t patalim ang urang;

Ngunit at nawala ang ibon kong hirang,

Ang mga bilyaka ang nuha’t nagnakaw!


Mga Bilyaka: Hindi kami ang nagnakaw.


Hari: Sino ang nagnakaw?


Bilyako 1: Kagabi po, hari, maliwanag ang b’wan;

May isang aninong aking natanaw;

Hindi sinasadya, nang aking lapitan

Isang babae po, iyang natagpuan.


At kitang-kita kong ikinubli niya.

Siya’y naririto at nasa tribuna,

Nagnakaw ng ibon ay isang bilyaka!




Hari: Diyata’t bilyaka?

Sino sa kanila?


Bilyako 1: Sa unang hanay po.


Bilyaka 2: H’wag paniwalaan.

Siya’y bulaan!

(Magkakaingay)


Hari: (Sa lahat) Katahimikan!

(Sa Bilyako 1) Mapatototohanan?


Bilyako 1: Ako’y nalalaan!


Bilyaka 2: Kung kagabi lamang ang sinabi niya,

Hindi maaari’t kami’y magkasama;

Kami’y namamasyal ng irog kong sinta,

Pa’nong mananakaw ang ibon sa hawla?


Hari: Kung hindi nga siya, sabihin kung sino

At pakaasahang parurusahan ko.


Bilyaka 2: Ang nuha ng ibo’y sa ikalawang hanay,

Doon nakaupo nang buong hinusay,

Walang iba kundi kanyang kasintahan (Ituturo.)

Kung hindi ay bakit ipinagsasanggalang?


Hari: Pinararatanga’y hindi umiimik,

Tila nga may sala’t dila’y nauumid. (Mag-iisip)

Sapagkat may sala

Heto, palmatorya! (Akmang papaluin)


Bilyako 2: Kaiingat kayo, O mahal na hari,

Mag-isip-isip ka’t baka magkamali.

(Titigil ng pagsasalita bago magpapatuloy)

Nalalaman ko po kung sinong nagnakaw.

Aking ibubulong kung pahihintulutan.


Hari: Nagpapahintulot!


Bilyako 2: (Lalapit at bubulong)


Hari:         Ipakakaon ko, talaga bang tunay?

(Siyang pagdating ng abay ng reyna)


Abay ng Reyna: Mahal na hari po, ibo’y aking dala,

Isasauli ko sa kinunang hawla;

Kagabi po ito’y kinuha ng reyna

Siya ay nag-aliw sa pangungulila!


Hari: Kung gayon ay walang dapat parusahan!

Ibalik ang ibon sa hawlang kinunan.

Kung uulitin pa’y ipagbibigay-alam

Nang huwag ang iba ang mapagbintangan.


Aba ng Reyna: ’Pinagbigay-alam sa inyong gward’ya,

Baka nalimutan at nalingat siya.


Hari: Maraming salamat, bilyaka’t bilyako,

Ngayo’y tinatapos itong larong duplo.

Paalam sa lahat, salamat sa inyo,

Muling magkikita pag naglaro tayo.


              W A K A S                                        

                                                                             

 Halaw sa Talindaw nina Abueg, E.R. et al.







Ang iyong mababasa ay unang bahagi ng pagtatanghal ng Karagatan ng Sulo ng Inang Wika noong ika-19 ng Disyembre 1967, sa Ika-19 na Pagkakatatag ng Unibersidad ng Manuel L. Quezon.

ANG KARAGATAN

 (May isang mesang nakalagay ang mga paninda-mga garapon ng pagkain at mga de-bote. May dalawang dalaga at apat na binata sa paligid ng mesa. Maraming tao sa paligid. Isang matanda ang lalapit sa ponda.)


Tandang Terong: Humm… tila matagal nang nakasalang ang sinaing ay ‘di 

                              pa nagagatungan.


Isang Manonood: Kailangang gatungan ang sinaing nang maluto’t tayo’y

                            makakain.


Maring: Ang kahoy na panggatong kaya ‘di masindihan ay higit 

                              na marami ang nasa kalan kaysa kailangan.


Isa pang manonood: Tama si Maring. Ang isa’y malungkot kaya’t naghahanap; dalawaha’y angkop at siyang anong sarap; ngunit pag nagtatlo’y isa na ang kalabisan.Kung ‘di matiyak ni Neneng  kung sino sa kanila ang kakausapin, mga kanayon ano’ng  kailangan?

 

Lahat: Tanging paraa’y ang karagatan.


Ingkong Terong:    Ayos ka na ba, Neneng?


Neneng:       Tumanggi man po ako’y walang mangyayari. Kagustuhan 

                               rin ninyo ang masusunod.


Ingkong Terong At kayong apat?


Apat na Lalaki :    Opo.


Ingkong Terong:    Akin  na, Neneng ang iyong singsing. (Aabutin sa dalaga  

                     ang singsing at ihuhulog sa tubig na nasa garapon). 

                              Kayong apat ay magpapalabunutan kung sino ang unang 

                              sisisid sa singsing na inihulog ni Neneng. (Palabunutan).    

                             At ikaw Berting ang unang sisisid sa dagat ng pag- 

ibig upang makuha ang singsing.


Mga Tao:               (Palakpakan)


Isang Tao:   Pagbutihin mo, binata at si Neneng ay marami nang   

                    nailunod  na talisuyo sa karagatan.


Berting:       Magandang gabi sa inyong lahat

      Mga nariritong kanayon ni Neneng

      At sa iyo mutya’y muling nagpupugay.

      Ipinangangakong nahulog mong singsing

Aking sisiri’t sa iyo’y ibibigay

Tanda ng pag-ibig na walang hangganan.

Dahilan sa ako’y siyang nakabunot

Ng palitong itong nagpapahintulot

Ako ay sumisid sa dagat ng nais

At ang iyong singsing ay aking makamit

Ay katunayan nang Diyos ang pumili

Na ako ngang ito’y siya mong itangi.

Sumisid sa singsing na aking hinulog

Subalit ‘di upang siyang maging irog

Kundi idaan lang muna sa pagsubok

Kaya’t sisirin mo ang tanong kong ito 

At singsing kong ito ay nang maangkin mo

Ang singsing na itong linso’t walang bato

Turan mo’ng simula at ang dulo nito.


Berting: Tila ang bugtong mo’y sinlalim ng dagat

Na ‘di matatarok ng isip kong pahat.

Kaya’t iyong singsing nais mang makuha

Isa pang pagsubok ay hiling ko sinta.



Kulas:           Ang pagkakatao’y isalin sa iba

Nang ‘di masabing ikaw ay buwaya

Akong nabunot ng pang-ikalawa

Inaangkin hirang kanyang karapatan

Sumisid sa dagat ng singsing mong bugtong

Na siyang panumbas sa iyong pag-irog.


Neneng: Kung gayon, o, Kulas, iyo nang sisirin

Ang lalim ng puno’t dulo niyang singsing.


Kulas:       Singsing, aking Neneng, walang puno’t dulo

Mayroon ngang simula at may wakas ito

Ang simula’y bilog nito na panloob

At ang katapusa’y panlabas na bilog.

Ganyan kung gawin, singsing ng pag-ibig

Haya’t nasisid  ko singsing mong nahulog.


Neneng: Iyan ang tanong diyan kay Lamberto

Kaya’t heto naman ang para sa iyo;

Nang ika’y parito, pamula sa kanto

Ilang bahay, Kulas, ang naraanan mo?

May ilaw ay ilan, iyo sanang turan

Tingnan ko ang tibay pang-alaala mo?


Kulas:   Salamat Neneng ko’t iyang katanungan

Kay daling sagutin kaya’t aking masasabing

Ako’y tanging mahal; Heto ang tugon ko:

Bahay, pito lamang at sa mga ito’y

Aking natandaan, apat ang may ilaw-

Ito’y patotoong isip ko’y malinaw.


Neneng: Kulas, ika’y mali sa iyong katugunan

Kaya’t isasalin itong aking tanong

Sa sinong ikatlong sa tubig lulusong

At siyang sisisid, sa singsing kong bugtong.


Nardo: Ako ang ikatlong dapat subukin mo

Kaya’t iyong dinggin ang tugon ko’y:

Pamula sa kanto at hanggang sa rito

Walang bahay ni ilaw akong natandaan

Kundi itong ponda ni Neneng kong mahal.

Mga Tao: (Palakpakan at kantiyawan)


Neneng: Kung gayon ito naman ay tugunin

Pang-una sa ikatlong iyong sasagutin

Bakit ba ang tubig sa bilog na mundo 

Hindi tumatapon walang ligwak ito?


Nardo: Sa abot ng isip narito ang tugon:

Tubig, bato’t tao, at lahat sa mundo

Ay ‘di tumatapon dahil sa ang globo

Ay isang malaki’t mabisang magneto;

Hinihigop nito ang lahat ng narito

At sa kalawaka’y ‘di tayo tutungo.


Mga Tao: Magaling! Mabuhay si Nardo!


Neneng: Pangalawang tanong,heto na’t pakinggan

Paanong buwang sa langit ay tanglaw

Aking mahihipo’t mapaglalaruan?

Ito’y pangarap nang ako’y musmos pa lamang

Kung talagang ako ay sadyang mahal mo

Paiirugan mo ang hiling kong ito.


Nardo: Salamat, O, Ina, sa pag-aaruga mo,

Noong ako’y munti’t pinalalaki mo.

Isang paborito’t ibig kong kuwento

Ay siyang panugon sa tanong na ito.

Sa pamamagitan ng isang salamin

Minumutyang buwan ay pabababain

Kahit sa kandungan ng mutya ko’t giliw

Mapaglalaruang buwang hinihiling.


Mga Tao: Magaling! Iyan ang binata namin!...

Pakinggan natin ang tanong na ikatlo.


Nardo: Ako’y nakahanda sa pangatlong tanong

Singsing na nahulog aking sisisirin

Sukdang ikapugto ng hiningang tangan

Kung puso ng mutya’y aking maaangkin.


Neneng: Ako’y nangangamba, ako’y natatakot

Na ang huling tanong kaniyang masagot

Itong karagatan isang laro lamang

Ngunit paglalarong birong totohanan

Ayoko na yatang ito ay ituloy

Baka sa sagutan ako’y maparool.


Ingkong Terong: Ituloy mo, apo, bahala na ako.


Neneng: Kung gayon, Leonardo, tugunin mo ito.

Kung tayo’y makasal, ay nanaisin ko

Na magpulot-gata sa bayang Mindoro

Na ating sasakya’y binalsang kawayan

Na bigkis ng lubid na pawang hinabi

Sa buhanging pino’t ikaw ang pipili.


Nardo: Neneng, aking mahal, sadyang mahal kita

Kaya’t imposible’y pag-aariin pa

Lubid na buhangin, aking pipiliin

Kung pababaunan ng aking pagkain

Bawat isang linggong kakailanganin

Sa ‘sang dahong ipil iyong babalutin.


Neneng: ‘Di ba’t ang hiling sa akin nanggaling

Bakit ngayo’y ako ang pasusulitin?


Nardo: ‘Pagkat paniwalang ‘di ka sinungaling


Neneng: Ano ang batayan ng iyong pasaring?


Nardo: Salamat kung gayon, mutya ko at giliw

Ikaw ay may wikang tapat at matining

Nang iyong sabihin tayo’y kakasalin

Inakalang tapat ikaw sa paggiliw

Kaya’t sa problemang aking 

Kahati ka sa tuwa’t  sa ligaya gayo’y din

Ang buhanging lubid ay kaya kong gawin

Kung sa hirap nito’y kasalo ang giliw.




Neneng: Ayoko’t ‘di tama! ‘Di pala kasal,

Ni walang sintahan ay mag-aasawa na.


Nardo: ‘Di nga mag-asawa ngunit may pagsinta!


Neneng: Ay sayang! Sayang na pag-ibig

Sayang ang singsing kong nahulog sa tubig

Kung ikaw rin lang siyang sisisid

Mahanga’y hintin kong kumati ang tubig.


Tandang Terong: Sa unang pagkakataon ay nagkaganito ang apo ko.

            Ako ang hahatol. Tama si Nardo.

Ang karagata’y simula lang ng kuwento

Mula ngayon, Nardo, sa bahay pumanhik

At doon mo ihibik ang iyong pag-ibig.


Pepito: (Iiling-iling at magkikibit ng balikat.)


Mga Tao: Mabuhay si Ingkong Terong! Mabuhay!

Mabuhay ang karagatan, aliwang Pilipino!

(Palakpakan)


                                 W  A  K  A S


                                                      Halaw sa Panitikang Pilipino nina Pineda, G.D at Ongoco, T.C