Miyerkules, Pebrero 17, 2021

EPIKO

EPIKO


TUWAANG
(Epiko ng mga Bagobo)

    Si Tuwaang ay siyang puno ng Kuaman. Balita siya sa katapangan, lakas at kakisigan. Isang araw tumanggap si Tuwaang ng balita na may isang dilag na nagmula sa kalangitan ng Buhong na nakarating sa kaharian ni Batooy upang humingi ng tulong. Tinawagan ni Batooy si Tuwaang. Nagpaalam si Tuwaang sa kapatid niyang babae na kinagigiliwan iyong tawaging Bai, ibig niyang tulungan ang nasabing dalaga. Ayaw mang pumayag ni Bai sapagkat ang gagawin ni Tuwaang ay lubhang mapanganib, hindi rin napigil si Tuwaang sa gagawin niyang pagsaklolo. Sumakay si Tuwaang sa kidlat. Ang karaniwan niyang sasakyan ay hangin. Ngunit sa pagkakataong ito'y humingi siya ng pasintabi sa hangin na hindi ito ang gamiting sasakyan sapagkat siya'y nagmamadali.

      Dumaan muna si Tuwaang sa lupain ng Binata ng Pangavukad. Dinulutan si Tuwaang ng itso (ikmo at bunga). Ang pagdudulot ng itso sa panauhin ay kaugalian ng mga Muslim. Pumunta si Tuwaang at ang Binata ng Pangavukad sa lupain ni Batooy. Pagdating nila roon, dahil sa kagandahang lalaki ni Tuwaang ay halos hinimatay ang mga tao sa laki ng paghanga sa binata ng Kuaman. Humiga si Tuwaang sa tabi ng dalagang nagbalita sa kaniya at kaagad na nakatulog. Bumunot ang dalaga ng isang buhok ni Tuwaang na nakalawit. Nagsalita ang dalaga at nakilala na nila ang isa’t isa.

  Nang magising si Tuwaang, dinulutan ang dalawa ng itso at sila'y ngumanga. Mula pa ng dumating sa lupain ni Batooy ay walang nais kausapin ang dalagang may lambong ng kadiliman. Hinintay niya si Tuwaang upang dito sabihin ang kanyang malaking suliranin. Nagkagusto ang binata ng Pangumanon sa dalaga. Malaki naman ang pag-ayaw ng dalaga, subalit nais kunin ng Binata ng Pangumanon ang dalaga sa dahas. Kaya napilitan siyang humingi ng saklolo kay Tuwaang at kay Batooy. 

   Hindi pa gaanong natatagalan ang pag-uusap ni Tuwaang at ng dalaga ng Buhong ay dumating naman ang Binata ng Pangumanon. Walong taros na pinagtataga ng Binata ng Pangumanon ang tauhan ni Batooy. Para lamang tumatabas ng puni ng isang tubuhan at sa ilang saglit nakabukagta nang lahat ang mga kawal at tauhan ni Batooy.


   Nanaog si Tuwaang at nagharap ang dalawang malakas at makapangyarihang lalaki. Ginamit ni Tuwaang dalawang kampilan. Sa lakas ng pagtatagaan ay naputol ito. Itinapon ni Tuwaang ang puluhan nito at kaagad na tumulong ang punong maliyutu. Gayon din ang nangyari sa Binata ng Pangumanon. Ginamit ni tuwaang ang iba pang sandata niyang palihuma, gayon din ang balaraw hanggang nabali rin sa puluhan ang mga ito. At sabay na nagtapon ng baling puluhan ang dalawa at iyong nagging punong maunlapay. 

   Nang magkaubusan na sila ng mga armas, sinunggaban ng Binata ng Pangumanon si tuwaang at ibig durugin sa kanyang binti. Hindi nasaktan si Tuwaang. Sinunggaban naman ni Tuwaang ang Binata ng Pangumanon at tinangkang ihampas sa malaking bato. Nang sasayad na ang katawan, ang bato ay nagging alabok. Tinawagan ng Binata ng Pangumanon ang kanyang patung.  Ito’y isang dangkal na bakal na ipinulupot kay Tuwaang. Ang patung ay bumuga ng apoy. Inunat ni Tuwaang ang kamay at namatay ang apoy. Tinawagan naman ni Tuwaang ang kanyang patung at nagliyab ang Binata na Pangumanon at namatay.


  Ngumanga si Tuwaang at ibinuga ang tabug ng nganga sa mga tauhan ni Batooy at sila’y nabuhay ng lahat. Iniuwi ni Tuwaang ang dalaga sa Kuaman. Pagdating nila sa Kuaman ay may ligalig na nagaganap. Pagkatapos na magapi ni Tuwaang ang kalaban, minabuti niyang doon na sila sa bayan ng Katu-san manirahang lahat. Inilulan ni Tuwaang sa sinalimba, isang ginituang sasakyang lumipad ang lahat niyang tauhan. Pinasan ni Tuwaang sa magkabilang niyang balikat ang dalagang Buhong at ang kapatid na si Bai at pumunta rin sa Katu-san, ang lupaing walang kamatayan.

 

Panuurin ang Youtube Video na ito https://www.youtube.com/watch?v=poXJZYiC0iA


EPIKO AT MGA ELEMENTO NITO

Ang Epiko ay isang uri ng panitikan na tumatalakay sa mga kabayanihan at pakikipagtunggali ng isang tao o mga tao laban sa mga kaaway na halos hindi mapaniwalaan dahil may mga tagpuang makababalaghan at di-kapani-paniwala. Kuwento ito ng kabayanihan na punung-puno ng mga kagila-gilalas na mga pangyayari. Bawat pangkatin ng mga Pilipino ay may maipagmamalaking epiko. Ito ay ipinahahayag nang pasalita, patula, o paawit. Minsa’y ay sinasaliwan ito ng instrumentong pang musika. Mahaba ito, binubuo ng 1000 hanggang 5000 na linya.


Mga Epiko ng Pilipinas: Hudhud at Alim, Ibaloy, Ullalim, Ibalon, Maragtas,
Hinilawod, Agyu, Drangan, Biag ni Lam-ang atbp.

Elemento ng Epiko:

 Sukat at Indayog

 Indayog – ito ay tumutukoy sa tonon kung paano binibigkas ang taludturan, sa pataas o pababa ng bigkas ng patinig na salita sa isang taludtod.

 Sukat – ito ay tumutukoy sa bilang ng pantig ng bawat taludtod na bumubuo sa isang saknong. Ang pantig ay tumutukoy sa paraan ng pagbasa.

Halimbawa:

      Epiko -> e-pi-ko – may tatlong panting

      Sukat -> su-kat – may dalawang pantig

          Mga Uri ng Sukat:

              a.) Wawaluhin (8 pantig)

                    Halimbawa:

                          Isda ko sa Mariveles            (Is/da/ko/sa/Ma/ri/ve/les) - 8

                         Nasa loob bang kaliskis       (Na/sa/lo/ob/bang/ka/lis/kis) - 8

            b.) Lalabindalawahin (12 pantig)

                   Halimbawa:

                     Ang laki sa layaw karaniwa’y hubad  (Ang/la/ki/sa/la/yaw/ka/ra/ni/wa’y/hubad) -12

                     Sa bait at muni, sa hatol ay salat        (Sa/ba/it/at/mu/ni/sa/ha/to/ay/sa/lat) -12

            c.) Lalabing-animin (16 pantig)

                   Halimbawa:

                         Sari-saring bungangkahoy, hinog na at matatamis     

                                           (Sa/ri/sa/ring/bu/ngang/ka/hoy/hi/nog/na/at/ma/ta/ta/mis) - 16

                        Ang naroon sa loobang may bakod pa sa paligid

                                           (Ang/na/r/on/sa/lo/o/bang/may/ba/kod/sa/pa/li/gid) – 16

            d.) Lalabingwaluhin (18 pantig)

                    Halimbawa:

                         Tandang tanda ko pa’t, hindi malilimot, ng kita ay iwan,

                                     (Tan/dang/tan/da/ko/pa’t,/hin/di/ma/li/li/mot,/ng/ki/ta/ay/i/wan) -18

                        Ika’y tumutol, na waring ayaw mong tayo’y magkahiwalay.

                                    (I/ka’y/tu/mu/tol,/na/wa/ring/a/yaw/mong/ta/yo’y/mag/ka/hi/wa/lay) – 18

 Tugma – sinasabing may tugma ang tula kapag ang huling pantig ng huling salita ng bawat taludtod ay magkakasintunog.

  Taludturan – ito ay ang pagpapangkat ng mga taludtod nga isang tula. Tinatawag rin itong saknong.

Matatalinghagang salita – ito ay tinatawag ring idyoma na may kahulugang taglay na naiiba sa karaniwan.

                Halimbawa: 

                pabalat bunga                       –paimbabaw

                likaw na bituka                       -kaliit-liitang lihim 

                mapaglubid ng buhangin       - sinungaling

                kisap mata/ iglap                   - mabilis

                isang tuka isang kahig           - mahirap

Banghay – ito ay pagkakaugnay-ugnay ng pangyayari na maaring maging payak o komplikado. Binubo ito ng simula, saglit na kasiglahan, kaskdulan, kakalasan, at wakas.

Tagpuan – ang tagpuan ay ang lugar at panahon ginanap ang mga pangyayari. Nakakatulong ito sa pagbibigay-linaw sa paksa, banghay at mga tauhan.

Tauhan – ang tauhan ang siyang kumikilos sa epiko. Siya ang gumagawa ng mga desisyon na nagpapatakbo ng epiko. Mapapansing ang tauhan sa epiko ay nagtataglay ng supernatural o di pangkaraniwang kapangyarihan.





Walang komento:

Mag-post ng isang Komento