Sabado, Pebrero 20, 2021

Sining: Karagatan at Duplo

 



Narito ang  halimbawa ng duplo na sadyang pinaikli at iniangkop sa mag-aaral na tulad mo.



Ang Ibon ng Hari

      

Hari: Simulan na ang laro. Bumilang kayo.


Mga Bilyaka: Una, Ikalawa, Ikatlo.


Mga Bilyako: Una, Ikalawa, Ikatlo.


Hari: Tribulasyon!


Lahat: Tribulasyon!


Hari: Estamos en la Buena composicion.(Titindig)

Ang komposisyon ng tanan

ay paglalarong mahusay!

Ang magulo ay mahalay

Sa mata ng kapitbahay.

Mga binibini at mga ginoo,

Matatanda’t batang ngayo’y naririto,

Malugod na bati ang tanging handog ko

sa pagsisimula nitong larong duplo.

Ang hardin ko’y kubkob ng rehas na bakal,

Asero ang pinto’t patalim ang urang;

Ngunit at nawala ang ibon kong hirang,

Ang mga bilyaka ang nuha’t nagnakaw!


Mga Bilyaka: Hindi kami ang nagnakaw.


Hari: Sino ang nagnakaw?


Bilyako 1: Kagabi po, hari, maliwanag ang b’wan;

May isang aninong aking natanaw;

Hindi sinasadya, nang aking lapitan

Isang babae po, iyang natagpuan.


At kitang-kita kong ikinubli niya.

Siya’y naririto at nasa tribuna,

Nagnakaw ng ibon ay isang bilyaka!




Hari: Diyata’t bilyaka?

Sino sa kanila?


Bilyako 1: Sa unang hanay po.


Bilyaka 2: H’wag paniwalaan.

Siya’y bulaan!

(Magkakaingay)


Hari: (Sa lahat) Katahimikan!

(Sa Bilyako 1) Mapatototohanan?


Bilyako 1: Ako’y nalalaan!


Bilyaka 2: Kung kagabi lamang ang sinabi niya,

Hindi maaari’t kami’y magkasama;

Kami’y namamasyal ng irog kong sinta,

Pa’nong mananakaw ang ibon sa hawla?


Hari: Kung hindi nga siya, sabihin kung sino

At pakaasahang parurusahan ko.


Bilyaka 2: Ang nuha ng ibo’y sa ikalawang hanay,

Doon nakaupo nang buong hinusay,

Walang iba kundi kanyang kasintahan (Ituturo.)

Kung hindi ay bakit ipinagsasanggalang?


Hari: Pinararatanga’y hindi umiimik,

Tila nga may sala’t dila’y nauumid. (Mag-iisip)

Sapagkat may sala

Heto, palmatorya! (Akmang papaluin)


Bilyako 2: Kaiingat kayo, O mahal na hari,

Mag-isip-isip ka’t baka magkamali.

(Titigil ng pagsasalita bago magpapatuloy)

Nalalaman ko po kung sinong nagnakaw.

Aking ibubulong kung pahihintulutan.


Hari: Nagpapahintulot!


Bilyako 2: (Lalapit at bubulong)


Hari:         Ipakakaon ko, talaga bang tunay?

(Siyang pagdating ng abay ng reyna)


Abay ng Reyna: Mahal na hari po, ibo’y aking dala,

Isasauli ko sa kinunang hawla;

Kagabi po ito’y kinuha ng reyna

Siya ay nag-aliw sa pangungulila!


Hari: Kung gayon ay walang dapat parusahan!

Ibalik ang ibon sa hawlang kinunan.

Kung uulitin pa’y ipagbibigay-alam

Nang huwag ang iba ang mapagbintangan.


Aba ng Reyna: ’Pinagbigay-alam sa inyong gward’ya,

Baka nalimutan at nalingat siya.


Hari: Maraming salamat, bilyaka’t bilyako,

Ngayo’y tinatapos itong larong duplo.

Paalam sa lahat, salamat sa inyo,

Muling magkikita pag naglaro tayo.


              W A K A S                                        

                                                                             

 Halaw sa Talindaw nina Abueg, E.R. et al.







Ang iyong mababasa ay unang bahagi ng pagtatanghal ng Karagatan ng Sulo ng Inang Wika noong ika-19 ng Disyembre 1967, sa Ika-19 na Pagkakatatag ng Unibersidad ng Manuel L. Quezon.

ANG KARAGATAN

 (May isang mesang nakalagay ang mga paninda-mga garapon ng pagkain at mga de-bote. May dalawang dalaga at apat na binata sa paligid ng mesa. Maraming tao sa paligid. Isang matanda ang lalapit sa ponda.)


Tandang Terong: Humm… tila matagal nang nakasalang ang sinaing ay ‘di 

                              pa nagagatungan.


Isang Manonood: Kailangang gatungan ang sinaing nang maluto’t tayo’y

                            makakain.


Maring: Ang kahoy na panggatong kaya ‘di masindihan ay higit 

                              na marami ang nasa kalan kaysa kailangan.


Isa pang manonood: Tama si Maring. Ang isa’y malungkot kaya’t naghahanap; dalawaha’y angkop at siyang anong sarap; ngunit pag nagtatlo’y isa na ang kalabisan.Kung ‘di matiyak ni Neneng  kung sino sa kanila ang kakausapin, mga kanayon ano’ng  kailangan?

 

Lahat: Tanging paraa’y ang karagatan.


Ingkong Terong:    Ayos ka na ba, Neneng?


Neneng:       Tumanggi man po ako’y walang mangyayari. Kagustuhan 

                               rin ninyo ang masusunod.


Ingkong Terong At kayong apat?


Apat na Lalaki :    Opo.


Ingkong Terong:    Akin  na, Neneng ang iyong singsing. (Aabutin sa dalaga  

                     ang singsing at ihuhulog sa tubig na nasa garapon). 

                              Kayong apat ay magpapalabunutan kung sino ang unang 

                              sisisid sa singsing na inihulog ni Neneng. (Palabunutan).    

                             At ikaw Berting ang unang sisisid sa dagat ng pag- 

ibig upang makuha ang singsing.


Mga Tao:               (Palakpakan)


Isang Tao:   Pagbutihin mo, binata at si Neneng ay marami nang   

                    nailunod  na talisuyo sa karagatan.


Berting:       Magandang gabi sa inyong lahat

      Mga nariritong kanayon ni Neneng

      At sa iyo mutya’y muling nagpupugay.

      Ipinangangakong nahulog mong singsing

Aking sisiri’t sa iyo’y ibibigay

Tanda ng pag-ibig na walang hangganan.

Dahilan sa ako’y siyang nakabunot

Ng palitong itong nagpapahintulot

Ako ay sumisid sa dagat ng nais

At ang iyong singsing ay aking makamit

Ay katunayan nang Diyos ang pumili

Na ako ngang ito’y siya mong itangi.

Sumisid sa singsing na aking hinulog

Subalit ‘di upang siyang maging irog

Kundi idaan lang muna sa pagsubok

Kaya’t sisirin mo ang tanong kong ito 

At singsing kong ito ay nang maangkin mo

Ang singsing na itong linso’t walang bato

Turan mo’ng simula at ang dulo nito.


Berting: Tila ang bugtong mo’y sinlalim ng dagat

Na ‘di matatarok ng isip kong pahat.

Kaya’t iyong singsing nais mang makuha

Isa pang pagsubok ay hiling ko sinta.



Kulas:           Ang pagkakatao’y isalin sa iba

Nang ‘di masabing ikaw ay buwaya

Akong nabunot ng pang-ikalawa

Inaangkin hirang kanyang karapatan

Sumisid sa dagat ng singsing mong bugtong

Na siyang panumbas sa iyong pag-irog.


Neneng: Kung gayon, o, Kulas, iyo nang sisirin

Ang lalim ng puno’t dulo niyang singsing.


Kulas:       Singsing, aking Neneng, walang puno’t dulo

Mayroon ngang simula at may wakas ito

Ang simula’y bilog nito na panloob

At ang katapusa’y panlabas na bilog.

Ganyan kung gawin, singsing ng pag-ibig

Haya’t nasisid  ko singsing mong nahulog.


Neneng: Iyan ang tanong diyan kay Lamberto

Kaya’t heto naman ang para sa iyo;

Nang ika’y parito, pamula sa kanto

Ilang bahay, Kulas, ang naraanan mo?

May ilaw ay ilan, iyo sanang turan

Tingnan ko ang tibay pang-alaala mo?


Kulas:   Salamat Neneng ko’t iyang katanungan

Kay daling sagutin kaya’t aking masasabing

Ako’y tanging mahal; Heto ang tugon ko:

Bahay, pito lamang at sa mga ito’y

Aking natandaan, apat ang may ilaw-

Ito’y patotoong isip ko’y malinaw.


Neneng: Kulas, ika’y mali sa iyong katugunan

Kaya’t isasalin itong aking tanong

Sa sinong ikatlong sa tubig lulusong

At siyang sisisid, sa singsing kong bugtong.


Nardo: Ako ang ikatlong dapat subukin mo

Kaya’t iyong dinggin ang tugon ko’y:

Pamula sa kanto at hanggang sa rito

Walang bahay ni ilaw akong natandaan

Kundi itong ponda ni Neneng kong mahal.

Mga Tao: (Palakpakan at kantiyawan)


Neneng: Kung gayon ito naman ay tugunin

Pang-una sa ikatlong iyong sasagutin

Bakit ba ang tubig sa bilog na mundo 

Hindi tumatapon walang ligwak ito?


Nardo: Sa abot ng isip narito ang tugon:

Tubig, bato’t tao, at lahat sa mundo

Ay ‘di tumatapon dahil sa ang globo

Ay isang malaki’t mabisang magneto;

Hinihigop nito ang lahat ng narito

At sa kalawaka’y ‘di tayo tutungo.


Mga Tao: Magaling! Mabuhay si Nardo!


Neneng: Pangalawang tanong,heto na’t pakinggan

Paanong buwang sa langit ay tanglaw

Aking mahihipo’t mapaglalaruan?

Ito’y pangarap nang ako’y musmos pa lamang

Kung talagang ako ay sadyang mahal mo

Paiirugan mo ang hiling kong ito.


Nardo: Salamat, O, Ina, sa pag-aaruga mo,

Noong ako’y munti’t pinalalaki mo.

Isang paborito’t ibig kong kuwento

Ay siyang panugon sa tanong na ito.

Sa pamamagitan ng isang salamin

Minumutyang buwan ay pabababain

Kahit sa kandungan ng mutya ko’t giliw

Mapaglalaruang buwang hinihiling.


Mga Tao: Magaling! Iyan ang binata namin!...

Pakinggan natin ang tanong na ikatlo.


Nardo: Ako’y nakahanda sa pangatlong tanong

Singsing na nahulog aking sisisirin

Sukdang ikapugto ng hiningang tangan

Kung puso ng mutya’y aking maaangkin.


Neneng: Ako’y nangangamba, ako’y natatakot

Na ang huling tanong kaniyang masagot

Itong karagatan isang laro lamang

Ngunit paglalarong birong totohanan

Ayoko na yatang ito ay ituloy

Baka sa sagutan ako’y maparool.


Ingkong Terong: Ituloy mo, apo, bahala na ako.


Neneng: Kung gayon, Leonardo, tugunin mo ito.

Kung tayo’y makasal, ay nanaisin ko

Na magpulot-gata sa bayang Mindoro

Na ating sasakya’y binalsang kawayan

Na bigkis ng lubid na pawang hinabi

Sa buhanging pino’t ikaw ang pipili.


Nardo: Neneng, aking mahal, sadyang mahal kita

Kaya’t imposible’y pag-aariin pa

Lubid na buhangin, aking pipiliin

Kung pababaunan ng aking pagkain

Bawat isang linggong kakailanganin

Sa ‘sang dahong ipil iyong babalutin.


Neneng: ‘Di ba’t ang hiling sa akin nanggaling

Bakit ngayo’y ako ang pasusulitin?


Nardo: ‘Pagkat paniwalang ‘di ka sinungaling


Neneng: Ano ang batayan ng iyong pasaring?


Nardo: Salamat kung gayon, mutya ko at giliw

Ikaw ay may wikang tapat at matining

Nang iyong sabihin tayo’y kakasalin

Inakalang tapat ikaw sa paggiliw

Kaya’t sa problemang aking 

Kahati ka sa tuwa’t  sa ligaya gayo’y din

Ang buhanging lubid ay kaya kong gawin

Kung sa hirap nito’y kasalo ang giliw.




Neneng: Ayoko’t ‘di tama! ‘Di pala kasal,

Ni walang sintahan ay mag-aasawa na.


Nardo: ‘Di nga mag-asawa ngunit may pagsinta!


Neneng: Ay sayang! Sayang na pag-ibig

Sayang ang singsing kong nahulog sa tubig

Kung ikaw rin lang siyang sisisid

Mahanga’y hintin kong kumati ang tubig.


Tandang Terong: Sa unang pagkakataon ay nagkaganito ang apo ko.

            Ako ang hahatol. Tama si Nardo.

Ang karagata’y simula lang ng kuwento

Mula ngayon, Nardo, sa bahay pumanhik

At doon mo ihibik ang iyong pag-ibig.


Pepito: (Iiling-iling at magkikibit ng balikat.)


Mga Tao: Mabuhay si Ingkong Terong! Mabuhay!

Mabuhay ang karagatan, aliwang Pilipino!

(Palakpakan)


                                 W  A  K  A S


                                                      Halaw sa Panitikang Pilipino nina Pineda, G.D at Ongoco, T.C  



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento